LUNGSOD NG VALENZUELA—Magsisimula na sa Marso ang
konstruksyon ng P10-Bilyon proyektong Harbor Link kung saan isusudlong ang
North at South Luzon Expressway (NLEX-SLEX) Link Project.
Ito ay matapos pangunanan ni Public Works Secretary Rogelio
Singson ang ground breaking ceremonies para sa NLEX Harbor
link sa Smart Connect Interchange sa lungsod na ito noong Huwebes, Pebrero 7.
Inilarawan ng mga opisyal ang nasabing proyekto bilang “one
of the most important infrastructure project of the year” at inaasahang
magpapaluwag sa daloy ng trapiko patungo sa pier at samga lungsod ng Caloocan,
Malabon, Navotas, Valenzuela (Camanava).
Ang NLEX Harbor Link na inaasahang matatapos sa loob ng 12
hanggang 15 buwan, ay susudlungan naman ng NLEX-SLEX Connector Link Project na
inaasahang matatapos sa 2016.
Ang walong kilometrong NLEX Harbor link ay ikalawang bahagi
ng expansion project na ipinatutupad ng Manila North Tollways Ciorporation,
isang subsidiary ng Metro Pacific Tollways Corporation (MPTC) ni Manuel V.
Pangilinan na siyang namumuno sa Metro
Pacific Group.
Ayon kay Ramoncito Fernandez, pangulo at chief executive
officer (CEO) ng MPTC, ang proyekto ay isang manipestasyon ng pagsuporta ng
kanilang kumpanya sa public-private-partnership (PPP) program na pinasimulan ng
administrasyong Aquino.
“Harbor Link is a
very good alternative to the C-3
Road and A.Bonifacio
Avenue,” ani Fernandez patungkol sa mga lansangang
dinadaanan ng mga naglalakihang truck patungo sa pier sa Port Area.
Ipinaliwanag naman ni Rodrigo Franco, pangulo at CEO ng MNTC
na ang NLEX Harbor Link na magsisimula sa Smart Connect Interchange sa lungsod
na ito ay may dalawang bahagi.
Ang unang bahagi nito
ay ang 2.4 kilometrong kalsada mula sa NLEX Smart Connect Interchange na
kasudlong ng Mindanao Avenue Link.
Ang dulo nito ay sa
MacArthur Highway sa may Barangay Karuhatan.
Ito ay inaasahang matatapos sa loob ng 12 hanggang 15 buwan
sa halagang aabutin ng P1.7-B.
Mula naman sa dulo ng unang bahagi ng Harbor Link sa
Valenzuela ay isusudlong ang 5.6 kilometrong ikalawang bahagi nito na na
tinawag na Segment 10.
Ang Segment 10 ay tatawid sa ibabaw ng MacArthur Highway, at dadaan sa ibabaw ng
riles ng Philippine National Railways (PNR) hanggang sa makarating saC-3 road
na patungo sa North
Harbor.
Ang Segment 10 o ikalawang bahagi ng Harbor Link ay
inaasahang matatapos sa loonb ng 24 na buwan sa halagang P6.33-B.
Mula naman sa
C-3 Road ay magsisimula ang NLEX-SLEX Conector
highway sa ibabaw ng riles ng PNR
hanggang makarating sa SLEX. Dino Balabo