Tuesday, July 10, 2012

Bulacan bulk water project tuloy na



MALOLOS—Matutugunan na ang problema sa tubig ng mga water district sa Bulacan, ayon kay Gob. Wilhelmino Alvarado.

Ito ay dahil sa matutuloy na ang proyektong Bulacan Bulk Water na ayon sa sa punong lalawigan ay nakatakdang pirmaha sa Malakanyang kasunduan ngayong Hulyo matapos ang halos limang taong pagkaantala.

“Magagamit na natin ang tubig sa Angat Dam dahil tentatively pipirmahan na Malakanyang sa July 5 yung Bulacan Bulk project,” ani Alvarado sa kanyang lingguhang programa sa DWSS Radio noong Sabado, Hunyo 30.

Hindi tinukoy ng punong lalawigang ang halaga ng magiging proyekto, ngunit binigyang diin niya na kapag nagsimula ito ng operasyon, makatitiyaka ang mga Bulakenyo na magiging mas mababa ang presyo ng tubig na padadaluyin sa Bulacan kumpara sa kalakhang Maynila.

“Our rates will be lower by at least P5 per cubic meters kahit tumaas ang rates parati pa rin tayong mababa,”  ani Alvarado

Ito ay dahil sa ang Angat Dam na pinagkukunan ng 97 porsyentong tubig inumin ng kalakhang Maynila ay matatagpuan sa Bulacan.

Bukod dito, ang tubig na padadaluyin mula sa Angat Dam patungo sa mga water district sa lalawigan  ay pag-aari ng ng lalawigan.

“May water rights tayo na ibinigay noong 1992, kaya atin yung tubig, padadaluyin na lang sa mga water district,” ani Alvarado.

Matatandaan na noong huling bahagi ng 2007 at naging mainit ang debate hinggil sa nasabhing proyekto na noo’y planong pondohan ng Manila Water Corporation (Manila Water) ng P11-Bilyon.

Sa kabuuan ng pagtatalo sa Sangguniang Panglalawigan, isang probisyon lamang ng resolusyon ang pinaglabanan.

Ito ay kung itutuloy o iuurong sa ang kasong isinampa ng laban sa Metropolitan Waterworks and Sewerage System (MWSS) noong 2005 sa panahon ni dating Gob. Josie Dela Cruz.

Para kay Alvarado na noo’y bise gobernandor ng lalawigan  at dalawa pang kaalyadong Bokal dapat matuloy ang kaso maging ang proyekto. 

Ngunit namayani ang mga kaalayado sa Sangggunian Panglalawigan ni dating Gob. Joselito Mendoza na bumoto sa resolusyon nagsasabing ituloy ang proyekto, ngunit iuurong ang kaso.

Ilang araw matapos mapagtibay ang nasabing resolusyon, lumagda si dating Gob. Mendoza at dating MWSS Administrator Lorenzo Jamora sa isang kasunduan para sa proyekto.

Ngunit ayon kay Bokal Ramon Posadas, nawala ng bisa ang nasabing kasunduan dahil hindi iyon napagtibay ng MWSS Board.

Sa pahayag ni Alvarado noong nakaraang Sabado, tiniyak niya na ang makikinabang sa proyekto ay ang mga Bulakenyo at hindi ang iilang tao.

Binigyang diin niya na anuman ang maging bahagi ng kapitolyo sa kikitain sa operasyon ng proyekto, iyon ay makakarating sa taumbayan.

Kaugnay nito, sinabi ni Nicasio Reyes, general manager ng City of Malolos Water District (CMWD), na ang mataas na water rates na ipapataw sa pagpapadaloy ng tubig ang ipinangamba ng mga water district noong 2007.

Inihalimbawa niya na noong 2007, ang panukalang presyo ng Manila Water ay P16 bawat kubiko metro.

Ito ay higit na mataas sa noo’y P12 bawat kubiko metrong singil ng CMWD.

“Mas malaking problema, kasi tubig pa lang ay P16 na ang sisingilin wala pa yung distribution rates,” ani Reyes sa panayam noong Mayo..

Ang konsepto ng proyektong Bulacan Bulk ay unang nabuo noong 1992 sa panaunuingkulan ni dating Gob. Roberto Pagdanganan.

Sa panahon ng panunungkulan ni Dela Cruz mula 1998 hanggang 2007, ito ay ibinilang na na priority project ng kapitolyo.

Ngunit matapos ang siyam na taon ay wala ring nangyari sa kabila ng pagpapahayag ng interes sa proyekto ng Vivendi, isang kumpanyang Pranses. (Dino Balabo)

Bulacan pa rin ang SME capital ng Gitnang Luzon


LUNGSOD NG MALOLOS, Bulacan,  Hulyo 2 (PIA) - Wala pa ring
makakatalo sa Bulacan pagdating sa kaunlaran ng mga micro, small and
medium enterprises (SMEs) sa buong rehiyon ng Gitnang Luzon.
Ito ang pahayag ni Zorina ‘Rhine’ Aldana, provincial director ng
Department of Trade and Industry (DTI) sa Bulacan, sa ginanap na
Enhanced SME Caravan kaugnay ng paparating na SME Month ngayong Hulyo.

Patunay dito ang may P6 bilyong kabuuang ari-arian at pamumuhunan ng
mga tukoy na SMEs sa lalawigan ng Bulacan.
Ani Aldana, lumakas nang husto ang mga SMEs sa Bulacan dahil bukod sa
mga indibidwal na nagtitinda, ang mga mismong kooperatiba sa Bulacan
ay hindi lang nagpapautang ng puhunan, sila mismo ay may product
development para sa kani-kanilang SMEs mismo.
Kilala ang Bulacan sa mga produktong matatamis gaya ng Pastillas,
Inipit, Ensaymada de Malolos at Pulburon. Sa lalawigan din unang
ipinakilala ang paggawa ng tinapang Bangus, pamosong Sukang Paombong,
Liempong Bocaue at Longganisang Calumpit. Bukod sa mga pagkain, may
mga handicrafts din tulad ng Baro’t Saya ng Pandi, Parol na Kapis ng
Bocaue, Fine Jewelry ng Meycauayan at sambalilong Buntal ng Baliwag.

Kaya naman noong 2003, dahil sa pag-usbong at pag-unlad ng mga SMEs sa
Bulacan, inilunsad ng pamahalaang panlalawigan ang “Tatak Bulakenyo”
na nagsisilbing selyo ng mataas na kalidad na produktong gawa ng mga
Bulakenyo.

Ayon sa DTI, ito ring konsepto ng ‘Tatak Bulakenyo’ ang naging modelo
sa paglulusad ng program One Town, One Product (OTOP) noong 2005.
Layunin nitong makalikha ng tatlong milyong trabaho para sa SMEs sa
pamamagitan ng paglikha at pagpapakilala sa merkado ng mga natatanging
produkto sa bawat bayan at lungsod sa bansa.
Samantala, upang manatili ang pagiging SME Capital ng Bulakan sa
rehiyon, patuloy na pinagbubuti ang mga imprastraktura na pangunahing
kailangan sa pagsusulong sa sektor na ito. Pangunahin na riyan ang
pagsusulong sa Bulacan Packaging Service and Toll Packing Center na
makasama sa radar ng pamantayan ng Bureau of Food and Drug. Habang isa
nang atraksiyon sa Kapitolyo ng lalawigan ang Bulacan, Tourism and
Business Assistance Center na nagsisilbing ‘One-Stop Shop’ at showroom
ng mga produktong ‘Tatak Bulakenyo.’ (CLJD/SFV-PIA3)