Friday, September 7, 2012

Buhain di pabor na limitahan sa Bulakenyo ang land development sa Bulacan




MALOLOS—Dapat manatiling bukas ang Bulacan para sa ibang mamumuhuan
upang mas maraming negosyo ang pumasok sa lalawigan.

Ito ang buod ng pahayag ng isa sa mga pangunahing land developer sa
lalawigan ng kanyang tutulan ang panukalang limitahan sa mga
negosyanteng Bulakenyo ang pagtatayo ng mga proyektong pabahay at iba
pang land development sa Bulacan.

Ipinayo pa niya na dapat maging investor friendly ang mga pamahalaang
lokal at mga namumuno  dito upang higit na makaingganya ng dagdag na
mamumuhunan.

Ayon kay Amando Buhain, pangulo ng Asian Land Strategies Corporation,
ang paglilimita sa mga proyektong land development sa lalawigan sa mga
Bulakenyo ay hindi akma sa pananaw ng free enterprise.

Ang Asian Land Strategies Corporation ay ang developer ng Grand Royale
Subdivision, ang isa sa pinakamalaking subdivision sa lungsod na ito.

“How many Bulakenyo businessmen are willing to invest their fortunes
in Bulacan,” ang pataniong na sabi ni Buhain sa mga negosyanteng
dumalo sa talakayang inorganisa ng Bulacan Chamber of Commerce and
Industry (BCCI) sa Hiyas ng Bulacan Convention Center (HBCC) noong
Biyernes, Agosto 31.

Bilang presidente ng Asian Land, ikinuwento ni Buhain ang kanyang
karanasan ng kanyang simulan ang pagtatayo ng Grand Royale Subdivision
sa lungsod na ito.

“Sabi nila sa akin, ang tagal na naming dito sa Malolos, bakit ikaw
ang nakaisip na magbuhos ng iyong naipon dito,” ani Buhain na
nagsilbing alkalde ng bayan ng Plaridel.

Ayon pa sa dating alkalde, mas makabubuting mag-sosyo ang mga
negosyante sa lalawigan samga nais mamumuhunan.

Ito ay upang mas maraming negosyo ang pumasok sa lalawigan na
makalilikha ng mas maraming trabaho.

Binigyang diin niya na ngayong halos napupuno na ng negosyo ang
Calamba, Laguna, Batangas, Rizal at Quezon o Calabarzon na nasa timog
ng kalakhang Maynila, ang mga negosyante ay nakatutok ngayon sa norte
o hilaga.

Sinabi niya na nasa magandang posisyon ang Bulacan upang maging isa sa
mga lalawigang makikinabang sa mga bubuksang negosyo sa hilaga ng
Maynila.

“Now that Clark Airport is being improved, more investments are coming
to us, but we have to be prepared,” payo ni Buhain.

Iginiit pa niya na isa sa mga susi upang higit na maging kaakit-akit
sa mga negosyante ang Bulacan ay dapat maging investor friendly ng mga
pamahalaang lokal at mga namumuno.

“Our local government units must be investors friendly, or else, we
will miss the opportunities for further development,” payo pa ng
beeteranong negosyante.

Inayunan din ito nina Mara Bautista, ang dating patnugot na
tagapagpaganap ng BCCI, ani Arlene Pascual, ang hepe ng Provincial
Planning and Development Office (PPDO0 ng kapitolyo.

Ayon kay Bautista, mas madaling makakahikayat ng negosyante ang mga
pamahalaang lokal kung mayroon ang mga ito na comprehensive land use
plan (CLUP).

Ipinaliwanag ni Bautista na ang CLUP ay nagsisilbing gabay sa mga
negosyante sa pagpili ng mga lugar na pagtatayuan ng negosyo.

Ngunit ayon kay Pascual, hindi lahat ng pamahalaang lokal sa lalawigan
ay may CLUP.

Binigyang diin pa ni Pascual na ang Provincial Development Physical
Framework Plan (PDFP) ng lalawigan ay higit na magkakaroon ng
kabuluhan kung an gmga bayan at lungsod ay may CLUP.

Una rito, sinabi ni Akbayan Party-list Rep. Arlyn Bag-ao na hanggang
sa kasalukuyanay ipinakikipagpalaban pa nila sa Kongreso ang
pagpapatibay ng National Land Use Plan.

Ayon kay Bag-ao, ang panukalang batas para sa National Land Use Plan
ay halos 20 taon ng natutulog sa Kongreso.