Wednesday, April 17, 2013

Unang Bullet Train ng Pilipinas, target ng Metro Pacific





LUNGSOD NG MALOLOS, Bulacan – Nagpakita ng interes ang Metro
Pacific Investments Corporation (MPIC) na pondohan ang kauna-unahang bullet
train ng Pilipinas na kokonekta sa mga paliparan ng Ninoy Aquino sa Maynila at
Clark.

Sa isang panayam sa ginanap na business forum sa Bulacan, sinabi ni MPIC
Chairman Manuel Pangilinan na buo na ang plano para sa pagtatayo ng isang High-
Speed Railways.

Nagkakahalaga ang proyekto ng $3 bilyon na gagastusan ng pribadong sektor sa
pamamagitan ng Built-Operate-Transfer.

Ipinaliwanag ni Pangilinan na sa pamamagitan nito ay 20 minuto lamang ang
biyahe mula Manila patungong Clark.

Ito ay tatakbo sa ibabaw ng North Luzon Expressway-South Luzon Expressway
Skyway Connector. Shane Frias Velasco, PIA 3

JICA, popondohan ang pagtatayo ng MRT 7




LUNGSOD NG MALOLOS, Bulacan -- Popondohan ng Japan International Cooperation Agency (JICA) ang $1.23 bilyong MRT Line 7 na tatahak mula lungsod ng San Jose Del Monte sa Bulacan hanggang SM North EDSA.

Sa isang press conference kamakailan, sinabi ni San Miguel Corporation (SMC) Chief Executive Officer Ramon Ang na dahil sa pagpopondong ito ng JICA ay tuluy-tuluy na ang konstruksyon ng tren na magbibigay ng ginhawa sa mag estudyante at nagtatrabaho.

Matatandaan na taong 2008 pa ipinagkaloob sa SMC ang konsesyon na magtayo at magpatakbo sa MRT 7 sa ilalim ng Built-Operate-Transfer (BOT) Scheme sang-ayon sa Republic Act 7718.

Mag-u-umpisa ang MRT 7 sa Tala sa lungsod ng San Jose Del Monte at babaybay ito sa Fairview, Commonwealth Avenue, gilid ng Eliptical road sa may Quezon Memorial Circle saka papasok sa North Avenue patungo sa Paramount sa may tapat ng SM North Edsa at Trinoma Mall.

Nakatakda itong idugtong sa ngayo’y bagong operasyonal na LRT-MRT Closing the Loop-Interconnection Project.

Ibig sabihin, kapag nakumpleto na ang kontruksiyon, magiging isang Mega Rail Station ang kabuuan ng Paramount na nasa panulukan ng EDSA at North Avenue. Shane Frias Velasco, PIA 3