Saturday, March 17, 2012

Turismo sa Kapitangan pauunlarin, rehab sisimulan

John Safran, Australyanong komedyante, 2007
Roman Gregorio at ang bagong palikuran.
PAOMBONG, Bulacan—Upang higit na mapaunlad ang turismo sa Barangay Kapitangan sa bayang ito, madalian ang isinasagawang rehabilitasyon ng pasilidad.

Kaugnay nito, limang deboto kabilang isang babae ang nakatakdang lumahok sa taunang pagpapapako sa krus sa darating na Biyernes Santo, Abril 6.

Ayon kay Jo Clemente, pangulo ng Bulacan Tourism Convention and Visitors Board (BTCVB) ang rehabilitasyon sa entablado ng Kapilya ng Sto. Cristo sa Barangay Kapitangan ay naglalayon na higit na mabigyan ng espasyo o puwang ang mga kalahok, turista at mga deboto.

Ang nasabing entablado ay ang pinagtatayuan ng krus kung saan at ipinapako ang ilang deboto bilang pagtupad sa kanilang panata.

“Halos dalawang linggo na lamang ang nalalabi sa amin para matapos ang repair at improvement sa entablado at iba pang pasilidad,” ayon kay Clemente.

Ang pagpapaayos ng pasilidad ay isinasagawa ng BTCVB sa pakikipagtulungan ni Konsehal Myrna Valencia, at ni Roman Gregorio, ang pangulo ng Samahang katandaan ng Kapitangan.

Kabilang sa kukumpunihin ay ang entablado na ayon kina Clemente at Gregorio ay bubuwagin ang pader sa likod upang higit itong mapaluuwang, at maging ang nasa likod nito ay makapanood sa taunang pagpapako sa krus.
Montano "Bok" Sarmiento at ang entablado.

Maging ang kanal ng irigasyon sa likod ng entablado ay nakaplano na ring takpan ng concrete slabs upang maging iyon ay magsilbing espasyo sa mannonood.

Gayunpaman, sinabi nila na ang rehabilitasyon sa kanal ng irigasyon ay maaring sa isang taon pa matapos.

“Maikli ang panhon ngayon, pero baka sa susunod na taon, tapos na yang irrigation canal,” ani Clemente.

Bukod sa pasilidad, magkakasama rin nilang inoorganisa ang daloy ng trapiko sa nasabing barangay, maging ang pagpapadaloy ng impormasyon sa mga deboto, turista at mga mamamahayag.

Bilang tagapangulo ng BTCVB, isang kaalyadong samahan ng North Philippines tourism bureau na inorganisa ng Manila North Tollways Corporation (MNTC), inilarawan ni Clemente na ang Kapitangan ay isang destinasyong pangturismo na hindi na kailangan ang promosyon.

Ito ay dahil sa mahabang panahon, ang Kapitangan ay dinarayo ng libo-libong deboto at mga turista tuwing Semana Santa.

Gayunpaman, sinabi ni Clemente na ang kailangan ng turismo sa Kapitangan ay organisasyon at pagpaplano upang higit ito maging kaaya-aya sa mga mga deboto at turista.




No comments:

Post a Comment